Naunang natupok sa kaniya ang ating mga alaala.
Nilimot natin siya gaya ng pagsunog sa mga bagay
na atin nang iniiwan sa nakaraan. Kaya ngayon,
wala na tayong mabalikan kundi hinagpis
ng ibang diwata: Cacao, Makiling, Sinukuan.
Tumititig tayo sa pingkian at nagugulumihanan
kung bakit walang nananahang alamat
ng apoy sa sulok nitong ating dibdib at malay.
Sinong ada ang nagnakaw ng ningas kay Ladlao,
diyos natin ng araw, upang matigib itong katawan
ng init ng buhay? Mga mangingibig tayong tigib
ng pagal ang kahapon sa sumpang tag-init
at tag-ulan bawat taon. Binubuhay ng pagkakaingin
sa gubat, ano’t nagugulat pa rin tayo sa haplit-babala
ng mga bagay na likas: kay lakas ng ihip ng hangin
at baha sa pusod ng lungsod na binagyo; bitak
naman ang lupa sa bayang niyugyog ng lindol.
Namamad itong ating damdamin sa paghahalo
ng tubig, lupa at hangin, kaya itinatanong natin:
kailan naman ang pagliyab ng apoy sa dibdib?
Namaalam marahil siya noon habang ang gubat
ay naglalagablab, at abong naiwan tayong umibig
sa kaniya nang di-nararapat sapagkat karaniwan:
lumalapit pa lamang ay natutupok na ang katawan.
Kaya sinasabi natin ngayon: walang diwata ng apoy,
habang tayo’y nananaghoy sa mga biktima ng sunog
o hindi makatulog sa lamig ni Amihan kapag tag-ulan.
["Walang Diwata ng Apoy" is part of the collection "Tayong Lumalakad Nang Matulin," which won first prize in the Tula Category of the Palanca Awards in 2004. Together with its English translation by poet Marne L. Kilates, and a companion art by painter Leonardo Aguinaldo posted above, it was published in Pitik-Bulag, Letra at Liwanag: A Celebration of Contemporary Filipino Art & Poetry (Manila: Government Service Insurance Service, 2009), edited by Virgilio S. Almario, p. 128.]
Filed under: Bibliography
