Tumagal nang 17 labas sa Liwayway mula Enero 24, 1966 hanggang Mayo 16, 1966 ang Pistolero––nobelang komiks ni Francisco V. Coching at guhit ni Federico C. Javinal. Narito ang unang labas ng nobela:
Madalas na nagsisimula sa isang splash spread ang mga nobelang komiks ni Coching sa Liwayway, at pangunahing dahilan ang pagpapakilala sa mga tauhan, tulad ng makikita sa itaas. Nagsisimula ang pagsasalaysay sa pagkilala sa “pistolero” bilang “sagisag ng isang lalaking kilabot sa baril, na walang pakundangang pumapatay lalo pa’t salapi ang dahilan.” Kaya ang palaisipang inilalatag ng katha na panghikayat upang subaybayan ng mambabasa’y kung paanong naging “bayani” ng kasaysayang ito ang naturang lalaki.
Samantala’y ipakikilala sa atin ang bayan ng San Isidro kung saan nakapiit at mahigpit na binabantayan si Hugo Marahas sapagkat anumang sandali umano’y itatakas ito ng kapatid niyang si Rufo. Bagaman bayan iyon ng magigiting, tulad ni Kapitan Diego––ang pinuno ng mga pulis na hindi umano kailangan ang karangalan, at ang tanging minamahalaga’y ang “katiwasayan ng bayan”––ay bayan din iyon kung saan nagbababad ang karaniwang lalaki sa inuman, bilyaran o kabaret. Panahon ito matapos ang digmaan laban sa mga Hapon, at para kay Hugo: “hindi angkop sa panahong ito ang matawag na bayani.”
Sa isang akda ay karaniwang itampok ang pinakamagandang dilag sa isang bayan bilang pangunahing tauhang babae. Sa Pistolero, si Tessa umano iyon, na nagmula sa ibang bayan, at inampon ni Impong Doray at kinatuwang sa pondahan. Nililigawan siya ni Rufo subalit hindi pinapansin ng dalaga ang binata. Isang araw na inaabuso si Tessa ng binata upang pagsilbihan niya ito’t siya lang ang harapin sa pondahan, nakialam si Kapitan Diego at nagkahamunan ng pagkalalaki ang dalawa. Isa pala iyong pakana ni Rufo upang maagaw ang atensiyon ng mga tao at pulisya at nang maitakas sa wakas ang kapatid na si Hugo.
Isa sa mga napaslang sa pagtatakas kay Hugo ang binatilyong tanod sa simboryo, si Dino/Indo. Subalit ang labis umanong nakapanlulumo sa lahat ay ang “pagkabasag ng kampanang buhat sa simboryo” na kinagisnan na umano ng marami sa San Isidro. Samantalang ibig ng marami na makalikom ng salapi upang mapalitan ito, ipinayo ni Padre Jose na gamitin ang pera sa pagtatanggol laban sa kalupitan ng mga mangungulimbat. Dito iminungkahi ni Inggong Bulag na hingin ang tulong ng isang kilabot sa baril––alinman kina Kardong Kaliwa o Joe Pistolero, na pareho umano niyang kilala’t nakasama bilang gerilya. Subalit mahal umanong sumingil si Kardong Kaliwa at hindi niya alam kung buhay pa, samantalang si Joe Pistolero umano’y “tatanggap ng mababang halaga pagka’t talagang hilig niyon ang pumatay.” Ayon pa kay Inggo, “parang kidkat sa bilis bumunot ng baril iyon, at walang mintis magpatama. … may markang bungo ang sisidlan ng kanyang baril.” Makikita rito ang isang uri ng realidad kung saan ang solusyon sa suliranin ng bayan ay hindi na saklaw ng sistema. Kahit si Kapitan Diego ay sumang-ayon sa plano, lalo pa’t siya mismo’y sugatan at “hindi pa dumarating ang tulong ng pamahalaan.”
Samantalang hinihintay nila ang pagbabalik ni Inggo kasama si Pistolero, patuloy ang pananamantala ng pangkat nina Hugo at Rufo. Kahit si Lita, na nagtatrabaho sa bar at sinusuyo ni Kapitan Diego, ay bumaling na sa paglilingkod sa mga kawatan. Hanggang isang araw ay ianunsiyo ang pagdating ni Pistolero, sukbit ang baril na may suksukang may marka ng bungo. Nasubukan agad si Pistolero nang noon di’y sinugod siya ni Rufo nang tangan ang baril. Tinangkang pigilan si Rufo ng bunso nilang kapatid, si Rico, subalit hindi ito nakinig. Nang naiwasan ni Pistolero ang putok ng baril ni Rufo ay agad nitong pinukpok ng bote sa ulo ang huli. Agad namang pinaputukan ni Kapitan Diego ang alagad ni Rufo na nagtangkang barilin si Pistolero. Pauwi na sila nang tinanong ni Pistolero ang kapitan kung bakit tila wala itong tiwala sa baril niya at kinailangan pang tulungan nito. Sinabi ni Kapitan Diego na kilala niya si Pistolero at may atraso ito sa kaniya, subalit ang lalaking kaharap niya’y hindi umano ang Joe Pistolero na kilala niya. Ang baril umano ng kilala niya ay nasa kanan, at ngayon ay nasa kaliwa ang sa kaharap niyang “Pistolero.”
Hindi nagtapat ang binata sa kapitan, sa halip ay pumunta kay Padre Jose at doon niya inamin ang lahat––na siya si Ricardo, na naging kawal at inabot ng digma sa Bataan, napabilang sa Death March, at nang makatakas ay sumapi sa gerilya. Nasa San Isidro siya ngayon upang hanapin ang kapatid niyang si Marina na iniwan sa pari ng ama nilang si Berto bago ito namatay. Ipinagtapat ni Ricardo na natagpuan niyang patay sa lansangan ang isang lalaking bulag ang isang mata at ang isang lalaking kinuhanan niya ng kasuotan at baril, at ng isang daang piso sa lukbutan nito. Hiniling ng binata sa pari, bago pa man makaharap si Marina, na ibig niyang makita ang kapatid subalit ayaw na niyang magpakilala rito sapagkat alam nilang hindi ito papayag na ang kapatid ay isang upahan upang pumatay.
Samantala’y galit na galit si Gaspar––ang amang pilay nina Rufo––sa mga anak, sapagkat ilang ulit na umano niyang sinabing huwag gambalain ng mga ito ang San Isidro. Ibig niyang kilalaning utang na loob ng mga tao ang paglilingkod niya noon laban sa mga Hapones at pagdating ng panahon ay hiranging alkalde. Ang tanging pinapupurihan ni Gaspar ay ang bunso niyang si Rico. Mahalagang banggitin dito na ang dalawang panig––ang taumbayang pinagsasamantalahan, at ang kinatatakutang mga Marahas, ay kapwa naglingkod bilang gerilya noong panahon ng pananakop ng Hapon.
Kinagabihan sa pagdiriwang sa plasa, dalawa ang mahalagang pangyayari: natuklasan ni Pistolero na nagkakamabutihan sina Marina at Rico; at pagkatapos ng sunod-sunod na putok ng isang “hindi asintado” ay na may ibig pumatay sa kaniya. Matutuklasan natin na si Tessa ito, na simula nang marinig na hihingin ng San Isidro ang tulong ni Pistolero ay lihim na nasiyahan sapagkat matagal na umano niyang hinahanap si Joe Pistolero upang ipaghiganti ang kapatid na ginahasa umano nito kaya nagpatiwakal. Pinayuhan siya ni Impong Doray na tiyakin munang iisa ang Pistolerong ibig niyang paghigantihan sapagkat hindi umano masinag ng matanda sa katauhan ng binatang dumating sa bayan nila ang uri ng lalaking nagsamantala sa kapatid nito. Sinabi ni Tessa na may palatandaan umano siya, sapagkat nasaksak pa niya ang lalaki sa likod bago nakatakas at tiyak na magpipilat iyon. Narito ang katawan, at ang pinagdaanan ng katawang iyon, bilang lunsaran ng pagkakakilanlan.
Sa puntong ito, natiyak na natin bilang mga mambabasa na ang Pistolero sa pamagat ay iba na––na wala na, at hindi na talaga natin nakilala. Napatay na siya bago pa man sumipot at magkahugis sa mga larawan ni Javinal. Ang kamatayan niya ay kuwento na lang ni Ricardo. Ang gilas niya ay nasa salita na lamang ni Inggo. Ang krimen niya ay nasa salaysay na lamang ni Tessa. Ang kawalan o absence ni Pistolero ang lunsaran ng naratibo; may kuwento sapagkat wala si Pistolero sa kuwento.
Samantala’y gumawa ng pakana si Tessa, nagsimula sa pagngiti sa binata hanggang sa pagpapanggap na nadupilas sa ilog upang sagipin ni “Pistolero.” Nang sumisid ang binata upang iligtas siya sa akalang pagkalunod, pagkatapos ay naghubad ng damit, at napatunayan niyang hindi ito ang pistolerong nanggahasa sa kaniyang kapatid, inusig ng budhi si Tessa. Subalit ipinagpasalamat naman ni Ricardo iyon nang magtapat ang dalaga sapagkat lalo umanong pinaglapit ng pangyayari ang kanilang loob. Kay laki ng pasasalamat ni Tessa kay Impong Doray sa payo nitong alamin muna ang katotohanan.
Pinaghinalaan naman ni Ricardo na si Rico ang nagtatangka sa buhay niya at sinabihan siya ni Marina na iniibig nito ang huli at wala umano itong pakialam. Isinalaysay naman ni Rico sa ama at mga kapatid ang paghihigpit sa kaniya ni “Pistolero” kaya’t lalong hinikayat nina Hugo na salakayin na ito. Ipinagtapat naman ni Gaspar na iniiwasan niyang sumagupa rito sapagkat talaga umanong kilabot sa baril, at siyang dahilan ng pagkapilay. Noon nila pinasubukan ang binata at natuklasan nilang matinik ito sa buntalan subalit di nila nakikitang bumubunot ng baril.
Samantala’y nagtatangka namang magtanan sina Marina at Rico kaya’t nang mahuli sila’y napilitan si Ricardo na ipagtapat sa dalaga ang totoo nilang relasyon. Nang malaman ito ni Gaspar mula sa mga anak, at nang patunayan pa ng mga tauhan na hindi nga iyon ang lalaking iniiwasan niya, nagpasya na ang matandang susugod sila upang piliting kilalanin ng bayan si Major Gaspar bilang alkalde ng bayan. Nang ibunyag nila ang lihim ni Ricardo, na hindi ito ang totoong Pistolero, nagalit ang bayang akala’y pinaglalangan at sinugod ang binata. Noon ay pinaalalahanan na si Ricardo ni Kapitan Diego na umiwas sa pang-uusig ng mamamayan at paalis na nga sa San Isidro kasama ang kapatid kung hindi sila inabot ng mga tao. Ipinagtanggol nina Padre Jose, Impong Doray at Tessa si Ricardo, at nakadama ng panliliit ang mga taong umusig kay Ricardo.
Noon dumating sina Gaspar at sinabing makaaalis si Ricardo subalit kailangang iwan si Marina. Kahit si Rico ay natigagal sa pamamaraan ng ama. Subalit tumutol si Ricardo na kinutya lang ng magkapatid na Hugo at Rufo, ipinaaalala sa binatang hindi siya si Joe Pistolero. Subalit nang inilipat ni Ricardo ang kanyang baril sa kaliwang balakang, kinabahan si Gaspar sa realisasyon na si Ricardo ang lalong kilabot na si Kardong Kaliwa. Sa pagsasalabat ng mga punglo ay bangkay na natanghal ang pangkat nina Gaspar, maliban kay Rico na tinamaan ng ligaw na punglo at agad sinaklolohan ni Marina. Samantala’y nagyakap sa huling kuwadro sina Tessa at Kardo sapagkat “hindi itutulot ni Bathala” na mawalay sila sa isa’t isa.
Narito ang katapusang labas ng nobela:
Do you want to read the complete 17-issue Pistolero in JPEG/CBR format? Just email atisanarchives.gmail.com.
Filed under: Philippine Komiks Tagged: 1966 Komiks, Federico C. Javinal, Francisco V. Coching, Liwayway Magazine
