Kuwento ni Tom ang Cubao 1980 ni Tony Perez – si Tom na nakatira sa Pradyek 4, sikstin, laking-Cubao, nasa seken yir. Maririnig natin sa kabuuan ng nobela ang tinig ni Tom na nasa-panahon at nasa-lokasyon, kolokyal, at may pagmamalay (at kawalang-malay din) sa mga bagay sa kaniyang paligid at sa sarili niyang karanasan.
Nagsisimula ang salaysay sa paglalarawan ni Tom sa Cubao gaya ng isang pusang lokal at kung paanong kapag gabi, libog na libog ito. Sa kaibigan niyang si Butch natutuhan ni Tom kung paano manghanting ng bakla, ng anila’y “sward.” Sa Nasyonal nahanting ni Butch si Hermie, mukhang disente, na pinakain siya sa Pas Puds bago iniuwi sa apartment nito sa Banahaw. Pagtagal-tagal, naging magsiyota sina Butch at Hermie.
Si Sonny ang unang karanasan ni Tom sa sward. Katulong si Sonny ni Rick, na kaibigang bakla naman ni Hermie at may-ari ng parlor sa seken plor ng Parmers. Doon sila sa likod ng siyap ni Rick, at matapos patayin ang ilaw, inalisan si Tom ng brip at saka siya dinilaan sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan. Matapos labasan si Tom sa bunganga ni Sonny, ito naman ang nagsalsal at tumilapon sa dibdib ni Tom ang aniya’y “parang basang sampal.” Beinte lang ang ibinigay ni Sonny, “di big-taym,” lalo pa’t wala nang pasine’y wala pang pakain. Bumili si Tom ng dyambo hat dog at Sprayt, tses-otsentay singko. Masarap sanang manood ng sine o tumambay pagkatapos, pero gabi na kaya’t umuwi na lang siya at gumoli.
Kasama ni Tom sa bahay ang ema niya, ang kuya niya, sina Popo at Kit (ang dalawa niyang nakababatang utol), ang Tiya Deling niya at ang anak nitong si Det. Kuya niya ang nagbibigay kay Tom ng alawans, dos pesos araw-araw. Ito rin ang madalas na nangangaral sa kaniya, at nagsasabing buwisit sa buhay ang mga sward at sa impiyerno ang bagsak kapag pumatol sa gaya nito. Tinigasan siya ulit sa alaalang ito kaya nagsalsal siya nang pinipilit isipin ang mga tsikas, lalo na si Amelia Contreras, kaklase niya. Nang nilabasan siya, naisip niya si Sonny at ipinagdasal na huwag naman sana siyang mahawa rito.
Unti-unti, napansin ni Tom na hindi siya nag-iisa, maraming iba pang kolboy sa Cubao. Pero siya lang ang hindi nagpapalit ng pangalan, panay peke ang pakilala ng iba. Si Butch, Butch din ang pakilala kay Hermie, dahil nga magsiyota na sila, at ibinibili siya ng iba’t ibang gamit gaya ng bago niyang Seiko didyital. Si Tom naman, hindi raw kaya iyon, dahil pagkatapos sa isang sward, hindi na niya ito pinapansin kahit magpahanting ulit. Iyon ang gusto niya sa hinahanting – hindi kilala, puwedeng iwan kahit kailan. Pero naisip niya minsan, nang maalala ang mga pangaral ng kuya niya, na masahol pa siya kay Butch, dahil palagiang kay Hermie lang ito habang siya’y kung kani-kanino nagpapagalaw. Minsan, may nahanting siyang danser kuno na pumayag nang hiningan niya ng kuwarenta.
Nagpayari rin si Tom kay Hermie dahil inirekomenda siya ni Butch. Sinundo siya ng sitak na kulay-blu na minamaneho ng isang gurang na drayber. Nasa likod na si Hermie. Tumuloy sila sa Tertin Abenyu, diretso sa isang bodega ng malaking printing press. Sa loob, tahimik lang silang naghubad at saka tahimik ding nagsiping. Pagkatapos, itinanong ni Hermie kung matagal na silang magkaibigan ni Butch, bago siya binayaran ng sapuwe.
Isang araw na nagka-tes sina Tom sa Pilipino, 1979 ang isinulat niyang petsa. Itinama pa siya ng katabi niya, 1980 na umano. Ang obserbasyon kasi niya, ambilis lumipas ng araw, “parang pera, ‘pag ginastos mo.”
Minsan, nasubukan din niyang maging sabdyek, nang makilala niya si Bert, bisor sa C.O.D., at “tipong pagkakaguluhan nung tsikas.” Naengganyo siya dahil magbabayad daw ng siyento. Dinala si Tom sa haybol ni Bert sa Yale. Doon niya nalaman na may asawa na pala ito pero nagbabakasyon lang sa probinsiya. Ipinasubo sa kanya ang utin, pinadilaan, hanggang labasan ang lalaki at gumuhit sa lalamunan ni Tom ang lagkit. Naisip ni Tom na kulang ang siyento sa ganoong uri ng trabaho.
Ayaw ni Tom sa Amerikano, lalo na matapos siyang makatikim minsan. Nakasalubong niya lang sa Bangketa, at hiningan niya ng ten dalars. Nang tumawad ng five, pumayag na rin siya. Sa maliit na trak siya tinira, hindi na siya pumalag nang halikan siya sa bibig. Hindi nagtagal, naglabas ng bote ng beybi oyl, at pinahiran siya sa puwit. Noon unang inuring si Tom, kung kailan naramdaman niya talaga ang sakit na para siyang “pusang ginising, tinapakan sa buntot, pinaglaru-laruan.” Pagkatapos noon, nanghina ang tuhod ni Tom at nanginginig pa ang boses nang itanong ang pangalan ng Amerikano na nagpakilalang Ken. Ang totoo, noon lang siya nakahawak ng dalar sa tanang buhay niya.
Isang araw naman, napik-ap siya ng limang kets, kombo raw, at hindi mga bakla, nagtitrip lang. Nangakong babayaran siya ng tig-sisingkuwenta kaya pumayag si Tom kahit nang makita niyang durog ang mga ito. Pinahitit din siya pero hindi siya tinamaan. Tumuloy sila sa isang beykeri sa EDSA at sa itaas noon sila naghubad, saka siya pinagsalsal. Pagkatapos niyang labasan, pinilahan siya para magpasuso ng utin. Nagpaputok sa bunganga niya ang tatlo, habang pinatuwad naman siya sa kama ng dalawa. Pagkatapos noon, pinagapang siya sa sahig, saka isa-isa na namang nagpasuso ng utin ang mga lalaki. Dumurog ulit ang mga lalaki at noon na naduwal si Tom. Pinaalis na siya ng isa matapos ibigay ang kaniyang dos siyentos singkuwenta habang pinagkakamayan pa siya’t pinaghihimas sa ulo na para bang matagal na silang magkakaibigan. Dumiretso tsibug sa Pas Puds si Tom, lahat ng masarap, at nagpabalot pa siya, pero nang pauwi na, bigla siyang nanghinayang sa lahat ng ginastos. Hindi na siya tsumibug sa Pas Puds mula noon.
Magkukuwaresma nang dumating si Don Stewart para sa isang charismatic seminar sa Araneta. Pumunta sina Tom at Butch dahil akala nila’y kung anong hapening dahil sa dami ng tao. Nakita nila roon si Danilo Viceno na kaklase nila, nagmimiron sa takilya, taga-meyntenans pala kasi ang epa nito. Sa blitsers, nagsimulang makinig ang tatlo nang magsalita si Don Stewart tungkol sa Diyos, “ke Gad.” Nagpalakpakan at nagsigawan ang mga tao. Nakisali sa pagdadasal, pagkanta at pagtataas ng kamay ang tatlo. Nagulat na lang si Tom nang matuklasang umiiyak din siya habang inaamin sa sarili na ang sama-sama niya. Naisip niyang “dumating ang Diyos sa Cubao” at hindi na niya itinanong kung bakit.
Natapos ang pagdiriwang, nagsiuwian ang mga tao, at naiwan silang tatlo sa loob ng Araneta. Doon, sa bakal na tulay sa itaas ng gusali, inisip ni Tom ang sinabi ni Don Stewart, na “kung isusurender mo raw iyong sarili mo sa Diyos, lagi ka Niyang hahawakan do’n sa mga kamay Niya, parang me hawak na pilay na ibon, hindi ka sasaktan, hindi ka bibitawan, hindi ka gugulatin, hindi ka bibiglain.” Kinabukasan, ginulpi siya ng kuya niya dahil sa paglalayas niya sa bahay.
Isang araw, nagkita sina Tom at Amelia Contreras. Sinabi ni Tom kay Mel na nagbago na siya. Ngumiti lang ito. Noon niya hiningi ang telepown number ng babae.
Dumating ang tag-ulan matapos ang Mahal na Araw. Nasa oberpas sina Butch at Tom noon habang walang iniisip ang huli kundi si Mel, nang biglang makita nila si Hermie, nasa ibaba ng oberpas, nakatingala’t nakatingin kay Butch. Nagyaya nang sumibat si Butch pero nang nakipagsiksikan sila pababa sa hagdan, nakita nilang pasalubong sa kanila si Hermie, may baril. Nagsigawan ang mga tao. Pagkatapos, putok ng baril, at saka bumagsak si Butch sa basang simento sa putik. Nagtakbuhan ang mga tao, habang basang-basa na rin si Tom at iniisip, “Ang lakas, ang lakas nung ulan. Bagsak nang bagsak sa pusang nasagasaan, pinaliliguan, hinuhugasan iyong Cubao.”
*
Malinaw ang paghubog ni Perez ng isang uri ng naturalismo sa nobelang Cubao 1980 sa pamamagitan ng pagmamapa sa tagpuan, ang Cubao at ang 1980, kung saan kasabay na nahuhubog naman ang katauhan ni Tom bilang siyang tagahabi ng naratibo. Malinaw ang mga hakbang na isinagawa sa proseso ng pagmamapa ng lokasyon at panahon.
Una, ipinakilala ni Perez ang mga pamilyar na establisimiyento o gusali na siyang nagbigay ng pangalan sa Cubao bilang sentro ng alternatibong komersiyo noon, kung kailan lubha nang nasisiksik ang Maynila. Sa iba’t ibang bahagi ng nobela, maglalabas-pasok tayo sa mga gusali na maaaring pamilyar pa rin hanggang sa kasalukuyan: Nasyonal, Parmers, Ali, Banahaw, oberpas sa EDSA, Prodyek 4, Sampagita, Quezon, Nyu Prontyir, Nesyon, Piesta Carnaval, 3M, Rusbelt, Superstor, Tuason, Tertin Abenyu, C.O.D., Yale, Alibangbang, Cubao Tiyeter, Pas Puds, Sinema 21, YCAP, Araneta Coliseum, Christ the King sa EDSA, Imakyulet sa Lantana, Ortañez, Merkyuri Drag, Queen’s.
Wika ang isa pang pangunahing nagpatingkad sa kalikasan ng tagpuan. Walang pangingimi si Perez sa paggamit ng kolokyal na wika, sa lahat ng kahubdan at katapatan nito, upang hulihin ang kaluluwa sa likod ng pagkakabuo sa kanila. Ilan lamang sa mga lumitaw ang “epa, alaws, sward, kets, tomguts, haybol, yos-a, lonta, yagbols, dehins, isplit, bobits, goli, ema, spring tsiken, bagets, kiyeme, uring, sitak, siyota, istedi, sapuwe, diyahi, sikyo, tumoma, durog, tsikas, dyakol, hesbi, datan, at sibat” upang tukuyin ang “ama, wala, bakla, lalaki, gutom, bahay, ayos, pantalon, bayag, hindi, hiwalay, security, uminom ng alak, bawal na gamot, babae, salsal, bihis, tanda at alis” ng ating “karaniwang” pakikipag-usap sa kasalukuyan. Sa lahat ng ito, higit nating makikilala ang lokasyon ng pagkatao ni Tom: nasa-panahon-at-lunan ang wika’t pag-iisip, nasa Cubao ng 1980 ang kaniyang daigdig at paghabi ng realidad. Mapangahas ang eksperimentasyon ni Perez sa wika, na halos gahibla ang pagitan sa wika ng ituturing na pornograpiya. Subalit dahil sa masining niyang paglalapat, naibubunyag na ang libog at kabastusan sa mga salita ay nasa paggamit at pagpapakahulugan ng madlang tumatanggap.
Makikita rin sa nobela ang mga napapanahon o ang mga uso nang panahong iyon, gaya ng mga sumusunod: kru-kat, wayt saydwol, Seiko didyital, teleponong pula, Rey-Ban, Libays, medyas na adidas, Eberlasring Tril (sawnds), Don Stewart, Mirinda, Magnolia, at Sepakol. At sapagkat sentro nga ng komersiyo ang Cubao, hindi mawawala bilang palatandaan ng isang tagpuan ang halaga ng mga bagay: dos pesos na alawans, 3.85 na dyambo hatdog at sprayt.
Gayumpaman, nakasentro ang katawan bilang siyang pangunahing kalakal sa nobela. Sa bawat lalaking nagbayad kay Tom upang makipagtalik sa kaniya sa pagdaloy ng naratibo, makikita natin kung paanong tumataas ang halaga ng kaniyang katawan – mula beinte sa una niyang karanasan kay Sonny na isang parlorista, kuwarenta sa isang danser kuno na nakasalubong niya sa Parmers, singkuwenta kay Hermie na siyota na ng barkada niyang si Butch, isandaan kay Bert na pamilyado’t supervisor sa COD kung kanino siya unang naging “sabdyek,” limang dolyar sa Amerikanong si Ken na unang “umuring” sa kaniya, hanggang 250 piso mula sa limang binatang kasapi ng isang kombo.
Sa bawat karanasang ito na naganap sa masikip na kuwarto sa isang parlor sa Parmers, sa isang motel, sa isang printing press, sa bahay ni Bert sa Yale, sa loob ng isang maliit na trak, sa itaas ng isang beykeri, makikita rin ang kataliwas na pagbaba ng pagpapahalaga ni Tom sa sarili. Unti-unting nagaganap dito ang isang uri ng dislokasyon sa pagkatao ni Tom – nalalansag ang kaniyang identidad, at pakiramdam niya’y may bahagi niyang naiiwan sa bawat pakikitagpo, may bahagi niyang talagang nawawala sa kaniya sa bawat pagbebenta ng sarili.
Malinaw ang mga sintomas ng dislokasyong ito, halimbawa, nang 1979 ang isinulat niya sa isang test sa Pilipino minsan at ipinaalala pa ng katabi niya na 1980 na noon. Kahit sa loob ng tahanan, kung saan, kapag gabi na’t pinagmumunian niya ang kaniyang mga karanasan at pagkamulat – kung paanong hindi na niya mababawi ang kaniyang kabataan. Paano pa siya makikipaglaro kina Kit at Popo, ang mga bata niyang kapatid, gayong alam niyang tinakasan na siya ng kawalang-malay na niyayakap pa ng mga ito?
Sa harap ng ganitong uri ng pagkabasag ng pagkatao, sinubok ni Tom na humanap ng kaligtasan, ng mga lunan para sa tinatangka niyang relokasyon ng sarili. Mahalaga ang naging papel ng kuya niya na nagsisilbing konsensiya, isang superego, upang ipaalala sa kaniya ang mga “kasalanan” at hindi dapat gawin. Naroon din si Amelia Contreras na siyang natitipuhan ni Tom at sa bandang huli, matapos niyang sabihin dito na “nagbago na” siya, ay ginantihan siya ng ngiti ng dalaga, na para kay Tom ay isa nang uri ng kaligtasan.
Walang mainam na wakas sa isang naturalistang nobela kundi trahedya. Subalit hindi trahedyang gaya ng mga pagkamulat sa sariling kahinaan na matatagpuan sa mga sinaunang dulang Griyego. Isang uri ito ng trahedya na kumikilala sa tuloy-tuloy na disintegrasyon ng pagkatao sapagkat may mga bagay na hindi niya matatakasan nang ganap, gaya ng sarili niyang kalikasan, at ang daigdig – ang lunan at panahon – na nag-ampon sa kaniya. Papatayin ni Hermie si Butch sa wakas ng nobela sapagkat iniwan ng huli ang una na matindi ang pagkahumaling sa kaniya. At si Tom, magpapatuloy ang buhay sa Cubao na nakilala niya.
Filed under:
Filipino Fiction,
Novel Tagged:
1980,
Awakening,
Cubao,
Homosexual,
Language,
Loss of Innocence,
Rite of Passage,
Sexuality,
Teenage Life,
Tony Perez