Image may be NSFW.
Clik here to view.MALINAW NA HINDI lang tungkol sa nobela ang aklat ng mga sanaysay ni Soledad S. Reyes na From Darna to ZsaZsa Zaturnnah: Desire and Fantasy (2009), pero dahil tatlo sa pitong sanaysay ang tuwirang tumatalakay sa nobela (“Readers and Viewers and the League of Extraordinary Creators,” “From Manila to New York: Literature and Colonialism” at “The Tagalog Novel in the Twentieth Century”) samantalang may pahaging din sa nobela ang apat na iba pa, at hindi maitatangging isa si Reyes sa mga awtoridad sa nobela sa Pilipinas, kaya’t titingnan ko ngayon kung paano niya tinalakay ang nobela.
Mahalaga ang ambag ni Reyes sa “pagseryoso” ng akademya sa kulturang popular sa bansa. Ilan na ring aklat na sinulat o pinamatnugutan niya ang naggiit ng pangangailangan para sa reebalwasyon ng mga kinasanayan nating pagsipat sa textong popular bilang “bakya.” Dahil sa kaniya kaya naipakilala sa kamalayan ng mga guro at kritiko ng panitikan ang halaga ng pagbabalik sa mga popular na magasin, tulad ng Liwayway, Aliwan, Bulaklak at Ilang-Ilang, kung saan nagpalathala ang mga nobelistang minahal noon ng mga mambabasa, at personal kong natuklasan bilang “mahuhusay nga palang” manunulat, tulad nina Macario Pineda at Rosario de Guzman Lingat. Si Reyes ang nagpasimuno sa muling paglalathala ng mga nobela ng mga gaya nina Pineda at Lingat bilang aklat para sa mga mag-aaral ng kasalukuyang henerasyon. Naging paksa ng MA tesis ni Reyes sa Ateneo si Pineda (“Theme and Technique in the Fiction of Macario Pineda”), at ginawan naman niya ng isang buong pag-aaral si Lingat na nalathala bilang Rosario de Guzman Lingat, 1924-1997: The Burden of Self and History (2003).
Isa lamang ang hindi pa lubusang maisulong kahit ng pamagat ng pinakabago niyang aklat: na tuluyang mawala ang hati sa pagitan ng panitikan at kulturang popular, na ang itinuturing na “panitikan” ay maging “popular” din, gaya ng kaso noon ng mga bugtong at sawikain, ng pasyon, ng mga nalathalang awit at korido.
Magtutuon ako ngayon sa ambag ng aklat sa pag-aaral sa nobelang Filipino. Sa isang bahagi ng “Readers and Viewers and the League of Extraordinary Creators,” tinalakay ni Reyes ang relasyon ng nobelang popular sa pelikula. Binanggit niya ang ilan sa mga nobelang naging matatagumpay na pelikula noong dekada 30: Gamu-gamong Naging Lawin ni Teodoro Virey, Batang Tulisan ni Gregorio Coching, Punyal na Ginto ni Antonio Sempio, Ang Magmamani ni Teofilo Sauco, Mga Sugat ng Puso ni Jose Esperanza Cruz, at Nabasag ang Banga ni Remigio Mat. Castro. Naging pinakapopular umano ang nobelistang si Fausto Galauran na nakapagsulat nang mahigit 50 nobela sa loob ng limang dekada, at naisalin sa pelikula ang marami sa mga ito, tulad ng Ang Monghita, Madam X, Sino ang Maysala?, Hatol ng Langit, at Ako ang Maysala.
Kinilala pa ni Reyes ang ilang nobelistang naisalin ang mga akda sa pelikula, tulad nina Nemesio Caravana (Prinsesang Kalapati, Ang Banga ni Zimadar, Prinsesa Naranja, Palasyo sa Ulap, Sarhento Salcedo), Liwayway Arceo (Lumapit, Lumayo ang Umaga), Mars Ravelo (Trudis Liit), Benjamin Pascual (Kumusta si Peter?, May Lalaki sa Ilalim ng Kama Ko), Edgardo M. Reyes (Sa Mga Kuko ng Liwanag, Sa Kagubatan ng Lunsod, Mga Uod at Rosas, Laro sa Baga), Efren Abueg (Miss Dulce Amor: Ina, Mister Mo, Lover Boy Ko), at Lualhati Bautista (Dekada ’70). At kagaya ng halos hindi maiiwasan, kinilala niya ang dalawang nobela ni Rizal bilang pinakamahahalagang nobelang naisalin sa pelikula.
Mahalaga ang argumento ng sanaysay ukol sa iisang katangian ng mga pelikula at nobelang tradisyonal na anti-realista at anti-modernista: pangunahin ang elemento ng banghay kaysa tauhan, diyakroniko ang galaw at hindi sinkroniko, at sinasabi ang mga pangyayari sa halip na ipakita.
Isinusulong naman ng “From Manila to New York: Literature and Colonialism” ang muling problematisasyon ng relasyon ng wika, partikular ng Ingles, sa paghubog ng pambansang panitikan, sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilang kontemporanyong texto na sinulat ng mga Filipino-Amerikano, at kung paanong problematiko rin ang mismong bansag (label) na ito sa kanilang identidad.
Kinilala ng sanaysay na hindi neutral ang wika, at humuhubog ito ng matinding pagmamalay sa tiyak na uri ng mambabasa, at sa kaso ng Ingles, ibig sabihi’y iyong mga aral na Filipino, at ibang-iba sa tipikal na mga mambabasa ng Liwayway at Bulaklak, na umaabot sa daang libo, kompara sa mga mambabasa ng aklat nina Joaquin, Santos at Gonzalez, na karamiha’y mag-aaral nga sa kolehiyo. Dahil dito, nagkaroon ng direksiyong palabas ang pagkahubog ng nobela sa Ingles; hindi na lamang basta Filipino kundi nakamata sa panitikang pandaigdig. Anong uri ng negosasyon ang ginawa ng panulat ng gaya ni Jessica Hagedorn sa pagitan ng dalawang nasyong nag(ka)kanlong sa kanya? Sinipat ni Reyes kung paanong hindi pa rin nakawala si Hagedorn sa representasyon ng gitnang-uri, na siyang nauna nang ininugan ng nakararami sa mga nobelang Filipino sa Ingles. O sa pagnanasa’t kabiguan ng “American dream,” gaya ng makikita naman sa nobelang Umbrella Country (1999) ni Bino Realuyo.
Nakabatay naman ang pangwakas na sanaysay sa aklat, ang “The Tagalog Novel in the Twentieth Century,” sa unang aklat ni Reyes na Ang Nobelang Tagalog, 1905-1975: Tradisyon at Modernismo (1982), bagaman may ilan siyang dagdag na tala, lalo na ukol sa nangyari sa nobelang Tagalog hanggang 1998. Isang komprehensibong lagom ito ng pinagdaanan ng nobelang Tagalog na siyempre pa’y sumuysoy mula sa Nena at Neneng, hanggang sa dominasyon ng mga magasin simula sa pagdating ng Liwayway noong 1922, at nagwakas sa pagbanggit sa mga nobela nina Jose Rey Munsayac at Jun Cruz Reyes na nagwagi ng Centennial Literary Prize noong 1998 (kung saan isa sa mga hurado si Soledad Reyes), at kung paanong gumagamit ng kinasanayan nang realismo ang una samantalang nililinang naman ang magic realism sa nobela ng huli.
Hindi matatawaran ang ambag ni Reyes sa pag-aaral ng nobelang Filipino pero malinaw ding sintomas ang ito ng hindi umuusad na pagsusuri ng nobela sa Pilipinas: sa pangkalahatan ay nasa antas na descriptive pa rin at diakroniko. Kailangan na ng iba pang pagbasa sa mga nobelang Filipino nang hindi kinakailangang isantabi o talikuran ang mga nasabi na ni Reyes.
* * *
Samantala’y narito ang kumpletong listahan ng mga nobelang Filipino na nabanggit ni Reyes sa aklat, ayon sa taon ng unang paglalathala.
- Barlaan at Josaphat (1712) ni Fray Antonio de Borja *
- Urbana at Felisa (1864) ni Modesto de Castro
- Si Tandang Basio Macunat (1885) ni Lucio Miguel de Bustamante
- Ninay (1885) ni Pedro Paterno
- Noli Me Tangere (1887) ni Jose Rizal
- El Filibusterismo (1891) ni Jose Rizal
- Ang Cababalaghan ni P. Bravo (1899) ni Gabriel Beato Francisco
- Nena at Neneng (1905) ni Valeriano Hernandez-Peña
- Anino ng Kahapon (1906) ni Francisco Laksamana
- Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos
- Hantik (1906) ni Jose Diaz Ampil
- Anino ng Kahapon (1907) ni Francisco Laksamana
- Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar
- Bulaklak ng Calumpang (1908) ni Roman Reyes
- Hinagpis at Ligaya (1908) ni Roman Reyes
- Wakas ng Pagtitiis (1908) ni Roman Reyes
- Andrea Liwaswas (1909) ni Roman Reyes
- Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado
- Busabos ng Palad (1909) ni Faustino Aguilar
- Luha ng Makasalanan (1909) ni Juan Arsciwals
- Madaling-araw (1909) ni Iñigo Ed. Regalado
- Ang Mananayaw (1910) ni Rosauro Almario
- Bagong Dalaga (1909) ni Roman Reyes
- Pusong Walang Pag-ibig (1910) ni Roman Reyes
- Ang Huling Pagluha (1911) ni Iñigo Ed. Regalado
- Mga Anak ng Bukid (1911) ni Rosauro Almario
- Ang Singsing ng Dalagang Marmol (1912) ni Isabelo de los Reyes
- Ang Tala sa Panghulo (1913) ni Patricio Mariano
- Ipaghiganti Mo Ako! (1914) ni Precioso Palma
- Katalik-Laan (1914) ni Santiago Flores
- Lalaking Uliran o Tulisan (1914) ni Juan Arsciwals
- May Pagsinta’y Walang Puso (1919) ni Iñigo Ed. Regalado
- Ang Bulaklak sa Kabaret (1920) ni Ruperto Cristobal
- Dakilang Pag-ibig (1921) ni Juan Arsciwals
- Sampagitang Walang Bango (1921) ni Iñigo Ed. Regalado
- Nabasag ang Banga (1923) ni Remigio Mat. Castro
- Ang Magmamani (1924) ni Teofilo Sauco
- Nanay Ko! (1925) ni Gregorio Coching
- Kundangan! (1927) ni Lope K. Santos
- Lihim ng Isang Pulo (1927) ni Faustino Aguilar
- At sa Wakas! (1928) ni Fausto J. Galauran
- Lagrimas (1928) ni Fausto J. Galauran
- Ama (1929) ni Lazaro Francisco
- Ang Monghita (1929) ni Fausto Galauran
- Bulaklak ng Bayan (1930) ni Fausto J. Galauran
- Ligaw na Bulaklak (1931) ni Fausto J. Galauran
- Bagong Kristo (1932) ni Franco Vera Reyes
- Ang Punyal na Ginto (1933) ni Antonio Sempio
- Makiling (1933) ni Remigio Mat. Castro
- Huling Timawa (1936) ni Servando de los Angeles
- Gamu-gamong Naging Lawin (1937) ni Teodoro Virrey
- Lihim ng Kumpisalan (1937) ni Fausto J. Galauran
- Sa Paanan ng Krus (1937) ni Lazaro Francisco
- Hatol ng Langit (1938) ni Fausto Galauran
- Nayong Manggagawa (1939) ni Antonio Sempio
- America Is in the Heart (1943) ni Carlos Bulosan
- Intramuros (1945) ni Susana de Guzman
- Ang Bungo (1946) ni Alberto Segismundo Cruz
- Anghel ng Kaligtasan (1946) ni Adriano P. Laudico
- Kulafu: Ang Gerilyero ng Sierra Madre (1946)
- Ang Ginto sa Makiling (1947) ni Macario G. Pineda
- Halina sa Ating Bukas (1947) ni Macario G. Pineda
- Isang Milyong Piso (1950) ni Macario G. Pineda
- Sugat ng Alaala (1950) ni Lazaro Francisco
- Madam X (1952) ni Fausto Galauran
- Ang Timawa (1953) ni Agustin Fabian
- Maria Mercedes (1953) ni Agustin Fabian
- A Season of Grace (1954) ni N. V. M. Gonzalez
- Maganda Pa ang Daigdig (1956) ni Lazaro Francisco
- Ang Banga ni Zimadar (1957) ni Nemesio Caravana
- Panagimpan (1957) ni Jose Gonzalez
- Sino ang Maysala? (1957) ni Fausto Galauran
- Ako ang Maysala (1958) ni Fausto Galauran
- Ang Tundo Man May Langit Din (1958) ni Andres Cristobal Cruz
- Pagkamulat ni Magdalena (1958) nina Alejandro G. Abadilla at Elpidio Capulong
- Mga Ibong Mandaragit (1959) ni Amado V. Hernandez
- Mapagpalang Lupa (1960) ni Brigido Batungbakal
- Prinsesa Naranja (1960) ni Nemesio Caravana
- Sarhento Salcedo (1960) ni Nemesio Caravana
- Ulilang Pangarap (1960) ni Andres Cristobal Cruz
- The Woman Who Had Two Navels (1961) ni Nick Joaquin
- Ako ang Kanyang Ina (1962) ni Liwayway Arceo
- Daluyong (1962) ni Lazaro Francisco
- Ikaw ay Akin (1962) ni Liwayway Arceo
- Luha ng Buwaya (1962) ni Amado V. Hernandez
- Trudis Liit (1963) ni Mars Ravelo
- Apoy sa Madaling Araw (1964) nina Dominador Mirasol at Rogelio Ordoñez
- Sa Kagubatan ng Lunsod (1964) ni Edgardo M. Reyes
- Tulay na Buhangin (1964) ni Agapito Joaquin
- Uliuli (1965) ni Eduardo Reyes
- Sa Mga Kuko ng Liwanag (1965) ni Edgardo M. Reyes
- Dambanang Putik (1966) ni Dominador Vargas
- Dugo sa Bukangliwayway (1966) ni Rogelio Sikat
- Villa Magdalena (1965) ni Bienvenido Santos
- Paggising ng Nayon (1966) ni Mario Cabling
- Dito sa Lupa (1967) ni Danilo Altre
- Dilim sa Umaga (1968) ni Efren Abueg
- Halik sa Alikabok (1968) ni Dominador Mirasol
- Sa mga Kuko ng Liwanag (1968) ni Edgardo M. Reyes
- Ang Panginoon ng Madera (1969) ni Bernardo del Rosario
- Kung Wala na ang Tag-araw (1969) ni Rosario de Guzman-Lingat
- Madilm ang Langit sa Bayan Ko (1970) ni Mercedes Jose
- Ano Ngayon, Ricky? (1971) ni Rosario de Guzman-Lingat
- Erlinda ng Bataan (1971) ni Nieves Baens-del Rosario
- Nangalunod sa Katihan (1971) nina Fausto Galauran at Gervasio Santiago
- Satanas sa Lupa (1971) ni Celso Al Carunungan
- Canal de la Reina (1972) ni Liwayway Arceo
- Kumusta si Peter? (1972) ni Benjamin Pascual
- Panakip-Butas (1972) ni Benjamin Pascual
- Ito ang Rebolusyon (1972) nina Clodualdo del Mundo at Gervasio Santiago
- Mga Buwaya sa Lipunan (1972) ni Celso Al Carunungan
- Mister Mo, Lover Boy Ko (1973) ni Efren Abueg
- Magkabiyak na Larawan (1974) ni Dominador Mirasol
- May Lalaki sa Ilalim ng Kama Ko (1974) ni Benjamin Pascual
- Ginto ng Kayumangging Lupa (1975) ni Dominador Mirasol
- Lumapit, Lumayo ang Umaga (1975) ni Liwayway Arceo
- Mga Uod at Rosas (1982) ni Edgardo M. Reyes
- Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa (1983) ni Lualhati Bautista
- The Man Who (Thought He) Looked Like Robert Taylor (1983) ni Bienvenido Santos
- ‘Gapo (1985) ni Lualhati Bautista
- What the Hell for You Left Your Heart in San Francisco (1987) ni Bienvenido Santos
- Dekada ’70 (1988) ni Lualhati Bautista
- State of War (1988) ni Ninotchka Rosca
- The Bamboo Dancers (1988) ni N. V. M. Gonzalez
- Ang Sibol sa Guho (1990) ni Ave Perez Jacob
- Dogeaters (1991) ni Jessica Hagedorn
- Titser (1995) ni Liwayway Arceo
- Umbrella Country (1995) ni Bino Realuyo
- Laro sa Baga (1995) ni Edgardo M. Reyes
- The Gangster of Love (1996) ni Jessica Hagedorn
- Ang Aso, ang Pulgas, ang Bonsai at ang Kolorum (1998) ni Jose Rey Munsayac
- Etsa-Puwera (1998) ni Jun Cruz Reyes
- Dream Jungle (2003) ni Jessica Hagedorn
- Batang Tulisan (nd) ni Gregorio Coching
- Mga Sugat ng Puso (nd) ni Jose Esperanza Cruz
- Prinsesang Kalapati (nd) ni Nemesio Caravana
- Palasyo sa Ulap (nd) ni Nemesio Caravana
- Miss Dulce Amor: Ina (nd) ni Efren Abueg
[Sa pagkakaalam ko'y nobelang komiks ang Trudis Liit ni Mars Ravelo, kaya hindi ko alam kung pagkaligta ito sa panig ni Reyes (na maaaring nangyari, kung pagbabatayan ang pabago-bago halimbawang taon ng paglalathala ng ilang nobelang binanggit sa aklat) nang sa pagtalakay sa nobela niya ito binanggit, sa halip na noong tinatalakay niya ang komiks. Pero dahil hindi ko pa natitiyak ito, kaya inilalagay ko na rin muna rito. Samantala, hindi ko naman makita sa kasalukuyan ang petsa ng paglalathala ng mga may markang (nd).]
Narito naman ang mga akdang banyaga na kinikilala ni Reyes bilang impluwensiya ng mga nobelistang Filipino, lalo na iyong mga nagsulat sa Tagalog:
- Camille ni Alexander Dumas
- Les Miserables ni Victor Hugo
- The Hunchback of Notre Dame ni Victor Hugo
- The Count of Monte Cristo ni Alexander Dumas
- Resurrection ni Leo Tolstoy
- The Mystery of Paris ni Eugene Sue
Filed under: Filipino Novels Tagged: Criticism of the Novel, Soledad S. Reyes Image may be NSFW.
Clik here to view.
Clik here to view.
Clik here to view.
Clik here to view.
Clik here to view.
Clik here to view.
Clik here to view.
Clik here to view.
