Naging maingay ang iyong pagdating.
Pinangunahan ang prusisyon
ng mga latang hila-hila
ng mga traysikel na namamasada.
Bawat paghampas nila sa kalsada
ay waring pakikipagtagisan
sa bagsik ng sa likuran nila
ay nagsasalimbayang ungol
ng mga pulburang naghahari sa daan:
paitaas, paikot-ikot, pakungsaan-saan,
habang sila’y tinatanglawan
ng makukulay na ilaw
na marangyang sumasabog sa kalawakan.
Ngunit hindi magtatagal,
mangingilo ang mga lata
sa sarili nilang ingay;
mahihilo rin ang mga pulbura
sa kaiikot at kawalang pupuntahan;
maglalaho ang ningning ng mga ilaw
sa kapal ng karimlan;
makakikita rin ang mga tingga
ng kanilang mahihimlayan.
Sa panahon ngang iyon
kung kailan ang lahat
maliban sa hingal ng balat
ay pansamantalang mamamayapa,
saka lamang muling matutuklasan,
pula na naman ang kulay ng lupa.
At tuluyan na ngang makalilimutan
ang iyong pagdating.
[Nalathala ang tulang ito sa Heights Vol. XLVII No. 2 (1999): 60-61. Nasa ikalawang taon na ako sa kolehiyo noon. Sa pagkakaalam ko, ito ang kauna-unahan kong tula na nanalo ng anumang patimpalak. Hindi itinala sa isyu ng Heights subalit sa pagkakaalala ko'y naparangalan ako sa patimpalak ng Heights sa tula para rito.]
Filed under: Bibliography
